Ewan ko kung ano nga ba ang talagang ibig sabihin nito, pero siguro naman nalalapit sa kwento rin ng kaibigan mong di naman totoo. At ang ibig sabihin lang nito ay isa ‘yong kasinungalingan. Sabagay, pwede rin namang mangyari o nangyari, pero gaya nga ng isang kwentong barbero (kung tama ang pagkakaintindi ko) e di naman talaga yon nangyari. Matagal ko na ring alam na apektado masyado ang taong ito sa mga bagay na nasa paligid niya o mga pangyayaring nagaganap sa mundo. Mapa-pelikula man o kanta o ano pa man, nakakagawa at nakakabuo siya ng kwentong barbero o mga serye ng kasinungalingang halata mo namang galing lang sa imahinasyon nya at sa isang nasabing pelikula or pangyayari. Itulad na natin dito ang makailang-ulit niyang pagsakay sa mga tirada kong peke naman at puro imbento lang din na serye ng kwento. Patok sa kanya to. At iniisip niya ring tama siya sa mga hula niya—kung saan oo nalang ako ng oo tungkol sa mga iyon, para magmukhang makatotohanan pa.
Minsan naisip ko sukdulan na rin ang panggagantso ko sa kanya pero wala akong magagawa, para naman maisip niya ring magresearch o manaliksik sa katotohanan ng buhay ko at ng kung sinong imbentong nilalang—na wala talagang ganun. O siguro nang matuto rin siyang umayos at tigilan na ang mga pantasya niya sa buhay. Oo, ako man ay malakas mangarap at mag-imagine gaya niya, pero alam ko ang aking hangganan. Ngayon nga ay sinabi kong ibinaon ko na sila—ang mga hindi totoong 'iniibig’ ko na nakilala ko san mang lupalop ng Pinas. Hindi pa ba niya nahahalata ang mga detalye ay mali at hindi ba siya napag-iisip man lang? Kung mahal ko nga ang taong iyon (na hindi naman totoo) edi sana hindi ko rin minahal ang taong mahal ko ngayon. O kaya’y hindi naman kaya ako ang napaiikot niya at patuloy rin akong nagiimbento ng karagdagang kasinungalingan ayon sa kagustuhan nya? Ano man yon sa mga nabanggit, sigurado akong ninanais din niyang makarinig ng mga katulad ng kasinungalingan niya. Problema nga lang, ako, tumigil na at talagang nakaranas na ng maraming bagay na hindi niya alam—at siya, ewan ko lang.
Nabulabog ako sa huling pahayag niya. Inaasahan ko na rin naman na ganoon nga yon. Nag-umpisa yan sa pagkokonekta nya sa mga bagay sa paligid—mapa-commercial man o TV show. Hanggang sa eto na nga ang isang pelikulang banyaga na umamin siya tungkol sa pagiging bi. Oo, alam ko na yon e. Halata nanamang feel na feel nya yung kwento ng pelikula. Sabagay, sa mga nabanggit naman niya e me katotohanan: yung tungkol sa lalaking kursunada nya. Totoo yon. Pero yung pagiging katulad umano sa pelikulang yon, ay naku. Heto nanaman. Minsan nga rin iniisip ko kung ano talaga ang totoo sa mga nagaganap sa buhay niya. At ngayon ngang gabi makalipas ang mga naobserbahan kong stat message nya at offline messages, nahalata ko nang me paparating nanaman na kasinungalingan. Siyempre, sabayan natin ng bago niyang kinahumalingang pelikulang Koreano. Ayun, nabuo nanaman ang isang maramdaming kwento. Ayoko nang makinig sana, pero siyempre intriga na rin ako sa kahihinatnan ngayon. At iyon nga, baseng-base sa pelikula pero siyempre me reality twist. This time, talagang nalabuan ako lalo na’t me kinalaman sa bata at one night stand ang kwento. Naku po. Siya? Ah basta.
Sa pakiwari ko ganun nga yon. Isa nanamang ala-panaginip na naging realidad. Sawa na nga ako. Makikinig pa ba ako? Hindi na ko naninibago. Matagal na yan e. Sige na nga. Mapagbigyan na lang siya. Nakakaawa naman. Sana, pag tanda pa niya e maisip niyang walang patutunguhan ang lahat ng iyon. At para sakin, di ko na paniniwalaan ang kahit ano pa mang halata namang peke. Anyway, sa huli, siya naman ang talo dahil nagsayang lang siya ng effort sa kung ano mang kwentong di ko naman binili. Hay bahala na nga siya. Ayoko nalang magsalita sa kanya. Pero nakakainis din talaga e. Sobra na…
No comments:
Post a Comment