Tuesday, January 13, 2009

Siya Naman

Di ko siya maintindihan. Kadalasan, nagsasawa na ako sa sinasabi niya. At oo, minsan din pinipilit ko na huwag nang seryosohin kung ano man yon. Kasi nga, baka sa huli pagsisihan ko rin. Hindi ko rin naman siya masisi kung totoo ngang ganon. Pero habang tumatagal, mas lalo akong naguguluhan sa kanya. Parang may mga pagkakataong gusto ko nalang tumigil at sigawan siya sa harap ng madla: “Hoy, kuya, ano ba talaga ang gusto mo sakin?”.

Sa dami na ng nagawa naming bagay nang magkasabwat eh hindi ko na matukoy ang nagugustuhan sa napipilitan at napipigilan. Alin nga kaya doon ang totoong saloobin ko? Mabait pa rin naman siya kasi bago may mangyaring kung ano e tinatanong naman niya ako. Siguro, pag nagugustuhan ko, natutuwa siya dahil maaaring magaling siya. Pag napipilitan, nahahalata naman niya ngunit ayaw naman niyang tigilan o titigilan niya rin paglaon. E pag napipigilan, alam kaya niya? Minsan naman mukhang oo tama nga yon. Sige, ayos na nga lang sakin yon. Ikinatutuwa rin naman niya e.

Magulo ang sistema naming dalawa kasi me mga panahon talagang wala kaming pakialam sa isa’t-isa. Napapaisip nalang ako, “Ano na kaya?” o kadalasan pati nangyayari sa kanya inoobserbahan ko nalang mula sa malayo. Kadalasan, kaswal siyang nagtatanong sa akin gamit ang SMS kung libre ako, o kaya naman isang offline message ang iiwan niya. Nagtataka man din ako, e hindi ko talaga alam kung bakit mabilis akong mapapayag na sumama. Siguro nga e gusto ko siyang makita, o bored lang din talaga ako.

Mga dalawang beses ko palang siguro na niyaya siyang lumabas. Kasi kahit anong mangyari, nasa protocol ko ang hindi magyaya. Kasi nga, inaalala kong ang nagyayaya, nanlilibre. Hehe. May ilan namang pagkakataong hindi ko sinasadyang yayain siya. Parang pahiwatig lang. Di ko rin inasahan, pero sige yan na yun e. At ang ayaw ko siguro ay yung ipinipilit niya ang sarili niya. Siguro, kakaunti palang naman yon.

Kung may pinakagusto man ako sa kanya e yung pagiging maagap at maaga sa napagkasunduang oras. Di rin siya nagsasawang maghintay sakin kasi late ako palagi. Baka nga, kahit papano, e totoo ngang gusto niya akong makasama. Kasi nga di ko yon pinapaniwalaan. Di ko rin naman masisisi ang sarili ko sa pagiging paranoid. Basta lang na may mga bagay na me tinatawag na hunch o gut feeling. Take note, naniniwala ako talaga don. Hindi pa kasi ako pumalya sa ganun e.

At iyon nga ang dahilan ng hindi ko pagpapaniwala sa mga madalas niyang sabihin. Ang ending non? Sinusubukan ko siyang hindi seryosohin sa lahat ng bagay. Magawa o nagawa ko man iyon e hindi ko na alam kung ano ang reaksyon nya. Minsan pinapakita niyang hindi siya natutuwa, minsan halatang ayaw niyang ipakita pero oo mukha ngang nasasaktan ko na siya, at kadalasan, pabiro niyang sinasabi na hindi siya natutuwa. Alin man don ay hindi ko nalang iniintindi.

Napakarami na ng pangakong binitawan ko sa kanya. Ewan ko nalang kung matupad ko yon. Sabi ko nga sa kanya e, “Hindi ko naman ginagawa sa’yo yan a” o kaya’y “Hindi naman kita tinatanong ng ganon.”. Bakit kasi hindi ko rin maamin sa sarili ko ang ilang katotohanan? Siguro, tama nga ang isang taong kakilala kong nagsabing ako ay isang Denial Queen. Ayoko nalang sigurong intindihin ang sarili ko kasi naman baka kung ano pa ang mapag-alaman kong hindi ko matanggap. Alam niyo kasi, posible talagang kagalitan natin ang sarili natin. Malamang, isa na ako sa mga taong ganon… iyon ay kung umamin na ako sa kamunduhang matagal na niyang ipinipilit sa utak ko.

Ipagpapatuloy ko pa kaya ang mga gawaing hindi ko sigurado? Di naman kaya sa huli e malaglag lang ako?

Takot talaga ako. Pero hindi ko nalang pinapahalata. Alam mo na, yung notion ng tao sayong ikaw ay ‘cool, calm and collected’ at siyempre andun parin ang pagiging childish. Bahala na siya, kasi di ko inilalagay sa kanya ang happy ending ko. Ang happy ending ko ay fleeting somewhere, at tinatapat ko naman siya dun e. Wala nalang sanang sisihan at regret sa bandang huli. Sana pati ako huwag mahulog nang todo. Kumbaga, guinea pig lang yan. Oo, isa itong malaking eksperimento ng curiosity. Nawa’y walang mangyaring kung ano man…

No comments:

Post a Comment